At dahil walang magawa sa araw na ito, kaya naisipan ko na lang balikan ang mga araw na hindi ko malimutan, ang "First time sa Kingdom", Kung interesado kang malaman, basahin mo ito, kung hindi naman, basahin mo parin ito.. hehe.. Sige na nga umpisahan ko na Ate Charo bago ka pa mawalan ng gana.
October 23, 2015 3:10AM (KSA time) nang dumating kami sa Riyadh, Kingdom of Saudi Arabia para sa aking unang work abroad. Magkahalong excitement at takot ang naramdaman ko nang bumaba kami sa eroplano at habang palabas na ng King Khalid International Airport dahil nakita ko na ang mga Arabo at iba't-ibang lahi, maging ang mga babaeng kasakay namin sa eroplano, nagsuot na ng kanilang mga Abayas at Hijab (dress code ng mga babae sa Saudi), doon ko na naisip yung mga sinasabi at kwento ng iba tungkol sa Saudi Arabia kung gaano ito kahigpit kaya naman medyo nadagdagan pa ang kaba sa dibdib ko.
Walo (8) kaming Pinoy na magkakasamang dumating, ang anim (6) sa kanila ex-abroad na kaya sanay na sila, at ang isa naman ay baguhan din na katulad ko at mas bata kesa sakin. Naunang lumabas ang lima (5) sa mga kasama namin dahil kaming tatlo ay dumaan muna ng toilet, at paglabas namin ay kasama na nila ang sundo namin na isa ding pinoy na empleyado ng kompanyang papasukan namin. Bahagyang nawala ang kaba sa aking dibdib at tanging excitement na lang ang aking naramdaman habang nasa byahe kami papunta sa bahay na tutuluyan namin.
Pagdating namin sa aming destinasyon, kinausap na ng Pinoy na sumundo sa amin ang isang tao (di ko pa alam dati kung anong lahi nya, pero Egyptian pala sya) napanga-nga na lang ako dahil hindi ko maintindihan kung ano ang pinag-uusapan nila, nang biglang lumabas ulit ang isang ibang lahi sa kwarto, sa tapat kung san kami nag-uusap at pinakita samin ng Egyptian na yun daw ang tutulogan namin. Biglang bumalik na naman sa dibdib ko ang kaba at takot na naramdaman ko at mas matindi pa don, dahil naiwan na lang kaming dalawa (2) na parehong baguhan, dahil umalis na ang mga kasama naming Pinoy para tumuloy sa ibang bahay dahil dalawa (2) lang kami na sa Office ma-aasign. Dahil pareho kaming baguhan at may kaba pa sa dibdib, agad namin isinara ang pinto ng aming kwarto. Matinding kaba ang naramdaman ko noon dahil walang proper accommodation (sabihin na nating demanding kami) pero walang preparation para sa pagdating namin, hindi namin magawang humiga at makapag-pahinga man lang sa kama ng kwartong tinuluyan namin dahil sa sobrang dumi, at dahil naninibago din kami, hindi din namin magawang lumabas at mag-CR dahil sa amoy ng paligid at takot sa ibang lahi lalo na sa mga kwentong madaming rapist sa kaharian. Inabot kami ng umaga na hindi natutulog at hindi mapakali dahil hindi namin alam kung ano ang aming gagawin, walang signal ang cellphone, walang internet. Doon ko na naisip kung anong sakripisyo talaga ang pagdadaanan namin bilang OFW sa Saudi.
Nang sumikat na ang araw, binalikan kami ng mga Pinoy na kasama namin at isinama sa bahay ng isang Pinoy din na tinuluyan nila, dahil don nawala na naman ang kaba sa dibdib ko dahil kahit paano ay may kasama na ulit kami. at dahil Friday non, day off sa office kaya maghapon kaming nag-stay sa bahay ng isang Pinoy. Naging komportable naman ang pag-stay namin don dahil makukulit ang mga kasama namin, at isinama nila kami sa Batha kung san madaming OFW sa lugar na yun, merong Quiapo, Manila Plaza at Pinoy Supermarket na akala mo ay nasa Pilipinas ka lang din.
Kinabukasan, araw na ng Sabado nong sinundo kami ng driver ng kompanya para isama sa office, dahil don panibagong excitement at kaba na nman ang naramdaman ko dahil don na mag-uumpisa ang tunay na araw namin sa Kingdom. Humarap na kami sa empleyado sa office at ang anim na (6) kasama namin ay pinadala na sa Project Site kung saan sila ma-aasign. Medyo nabawasan naman ang kaba na nararamdaman ko pero hindi parin kami komportable dahil wala pa kami maayos na accommodation, hindi pa kami nakakakain ng maayos maliban sa baon naming biscuit at delata. Natapos ang buong araw na yun at sasapit na naman ang gabi kaya lumapit ulit ako sa isang Engineer para ifollow up ang accommodation na dapat nilang iprovide, kaya naman sinamahan kami ng Accountant para mamili ng gamit sa pagluluto at ng kamang mahihigaan namin, at sa wakas, medyo may maayos na kaming matutulugan. Pero dahil hapon na non, hindi parin kami nakakain ng maayos dahil wala naman kaming bigas, hindi namin alam kung san bibili, pero dahil gutom na din kami naglakas loob kaming lumabas para humanap ng tindahan, laking tuwa namin ng may makita kaming Mc Donalds dahil sa wakas makakain na kami ng maayos, pero parang nadisappoint kami dahil pagdating namin sa McDo eh wala silang rice, dahil alam namin na rice ang kailangan namin hindi lang sa gabing yun kundi maging sa kinabukasan kaya naghanap pa kami ng tindahan, mabuti na lang sa likod lang din ng McDo ay may nakita kami kaya nakahinga na kami ng maayos.
At yun ang unang mga araw na mahirap malimutan ng isang first timer na tulad ko. Malaking adjustment talaga ang gagawin lalo na at iba ang kanilang kultura kumpara sa nakasanayan mo, pero tama nga ang sabi nila, sa una na lang mahirap, sa huli pahirap ng pahirap, pero masasanay ka din. Kaya kung ikaw nag-iisip mangibang bansa lalo na sa Saudi, kailangan mo ng matinding sakrispisyo at pasensya, dahil kailangan mong makibagay sa kanila at irespeto kung anong meron sila. Kahit hindi pa ako masyadong komportable hanggang ngayon, buo naman ang loob ko na magiging maayos at ma-aadopt ko din environment ng Saudi, dahil isa lang naman ang pinaniniwalaan ko, tao din sila, may mabuti at masama, swerte na din namin na nasa mabuti kami, at isipin mong palagi kang nasa mabuti basta wag lang mawawala ang paniniwala sa Diyos na may likha.
Personal
Subscribe to:
Posts (Atom)